Dalagita na nanonood lang ng TV sa loob ng kanilang bahay, tinangay ng 2 armadong lalaki sa Ajuy, Iloilo kagabi

Ajuy, Iloilo – Tinangay ng dalawang armadong kalalakihan ang isang dalaga habang nasa loob ng kanilang bahay sa Sitio Casamata, Barangay Central, Ajuy, Iloilo kagabi.

Kinilala ang biktima na si Renelyn Ira, 22 taong gulang ng naturang lugar.

Sinabi ni Police Chief Inspector Charlie Sustento, hepe ng Ajuy PNP na naganap ang insidente mga alas 7:50 kagabi habang nanunuod ng telebisyon ang biktima kasama ang kanyang mga magulang at mga kapatid ng pasukin sila ng dalawang armadong tao at tinutukan sila ng armalite.


Pinilit ng mga suspek na dalhin ang biktima at sinabihan ang pamilya nito na makigpatulungan na lang upang walang mangyaring masama sa kanila dahil “bayad” na umano ang dalaga.

Sinabi ni Sustento na mayroon na silang person of interest base sa kanilang imbestigasyon kung saan napag-alaman na nagkaroon ng karelasyong negosyante ang dalaga at nalaman ng asawa nito na siyang tinitingnang motibo ng naturang insidente.

Facebook Comments