Dalagita, patay matapos umanong makuryente habang gumagawa ng TikTok video

(Shutterstock)

JAKARTA, Indonesia – Nauwi sa kamatayan ang paggagawa ng TikTok video ng isang 14-anyos na babae nang makuryente umano ito habang kinukuha ang nalaglag na cellphone.

Sa report na inilabas ng Tempo, inihayag daw ng West Cikarang police nitong Martes na naglalaro raw ang dalagita sa ikatlong palapag ng kanilang bahay nang mangyari ang insidente.

Bagaman, patuloy umano silang humihingi ng salaysay mula sa mga saksi, naiulat na gumagawa noon ng TikTok video ang biktima sa bahay kung saan siya nakuryente at nalapnos.


Una nang lumabas ang balita sa kumalat na Facebook na video at larawan ng bangkay na nasa rooftop habang pinagtitinginan ng mga tao mula sa ibaba.

Sa naturang post ay nakamungkahi na nakuryente umano ang dalagita nang subukang kunin ang nahulog nitong cellphone sa pagitan ng mga kable ng kuryente.

Nakasaad din na gumagawa ng TikTok videos ang biktima kasama ng kanyang mga kaibigan.

Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang nangyari kung saan nailinaw na konektado ang trahedya sa paggamit ng phone ng biktima habang nasa rooftop.

Idinala naman ang bangkay nito sa Bekasi District General Hospital.

Samantala, naiulat ng Jakarta Post na taong 2018 nang pansamantalang ipatigil ng Indonesian Communications and Information Ministry ang TikTok dahil umano sa nilalaman nitong pornography, at hindi kaaya-ayang content at kalapastangan sa Diyos.

Sa report naman ng Reuters, sinabi ng Minister ng Communications ang Information na si Rudiantara na naglalaman umano ng maraming negatibo at nakasasamang content ang naturang app lalo na sa mga kabataan.

Ibabalik lamang daw ito sa pagbubukas sakaling masiguro na ang kalinisan at kaayusan ng content na ipalalabas na nangyari naman isang linggo matapos umanong mangako ang social media app na magbubura ng negative content.

Marso nakaraang taon nang gumawa ang nasabing ministry ng account para maipaabot ang ilang paalala sa mga kabataan.

Taong 2017 naman nang sabihin ng Indonesia ang posibleng pagba-ban ng Facebook messenger kung hindi raw nito tatanggalin ang malalasawang GIF images nito.

Facebook Comments