Tumauini, Isabela- Arestado ang dalawang indibidwal dahil sa paglabag sa PD 705 o Forestry Code of the Philippines.
Ang dalawa ay nakilalang sina Mario Cabaccan alyas Don-Don, 39 anyos, may asawa at nakatira sa Dy Abra, Tumauini, Isabela at si Emilio Tadeo, 57 anyos, magsasaka, may asawa, tubong Lagayan, probinsiya ng Abra at kasalukuyang nakatira sa kaparehong barangay.
Ayon sa report na nakuha ng RMN News Cauayan mula sa PNP Tumauini, Isabela, may nagpaabot na concerned citizen ng impormasyon tungkol sa illegal na pinutol na kahoy sa himpilan ng PNP Tumauini na siya namang agad tinugunan.
Bandang 9:30 ng gabi noong Disyembre 10, 2017 ay agad na nagkasa ng check point ang Tumauini Police Station sa pangunguna ng kanilang hepe na si Police Chief Inspector Noel C Magbitang sa Barangay San Pedro, Tumauini, Isabela.
Nasabat ng PNP Tumauini ang isang Honda TMX na may side car o “kulong-kulong” na may kargang 28 lumber flitches na nagsusukat ng 200 board feet at nagkakahalaga na P 6, 000.00.
Nang tanungin ng kapulisan ang papeles o permit ng pagputol ng kahoy mula sa DENR ay walang maipakita ang dalawa kaya agad nilang kinumpiska ang mga naturang kargamento.
Ang dalawa ay nasa pangangalaga ngayon ng Tumauini PNP at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila.