DALAWA ARESTADO SA ILEGAL NA BENTAHAN NG PAPUTOK SA DAGUPAN CITY

Dalawang indibidwal ang inaresto ng Dagupan City Police matapos mahuli sa iligal na pagbebenta ng mga paputok sa isang operasyon nitong Linggo sa Barangay Poblacion Oeste.

Kinilala ang mga suspek na isang 19-anyos na cabinet maker at isang 15-anyos na estudyante, kapwa residente ng nasabing barangay.

Ayon sa paunang imbestigasyon, ikinasa ng mga tauhan ng Police Station 3 ang operasyon matapos makipagtransaksyon ang mga operatiba sa unang suspek sa pamamagitan ng online messaging app.

Napagkasunduan ang pagkikita at pagdating sa lugar ay natagpuan ang dalawang suspek na may dalang isang kahon na naglalaman ng iba’t ibang uri ng paputok.

Habang isinasagawa ang transaksyon, nakahalata umano ang unang suspek na pulis ang kausap nito kaya’t nagtangkang tumakas at iniwan ang lugar, subalit agad itong nahabol at naaresto ng mga operatiba.

Nakumpiska sa lugar ang limang piraso ng Pla-pla firecrackers, at labing-anim na piraso ng magkakaibang uri ng Baba firecrackers.

Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 7183, ang batas na nagreregula sa pagbebenta, paggawa, pamamahagi, at paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Patuloy naman ang paalala ng kapulisan sa publiko na iwasan ang iligal na pagbebenta at paggamit ng paputok upang matiyak ang kaligtasan ng lahat, lalo na ngayong panahon ng pagdiriwang.

Facebook Comments