Kalaboso ang dalawang lalaki matapos mahuling nagsusugal sa Malate, Maynila.
Nakilala ang mga nadakip na sina Allen Zaragoza na residente ng Sta. Ana, Maynila at Eduardo Barrera na residente ng Arellano Street sa Malate.
Nahuli ang dalawa sa ikinasang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) sa may A. Francisco kanto ng Leon Guinto Street kung saan nahuli sa aktong nagkakara-krus amg mga suspek.
Bukod sa kasong iligal na pagsusugal, nahaharap pa si Barrera sa kasong Illegal Possession of Firearm and Ammunition at Resistance and Disobedience to a Person in Authority.
Nakumpiska sa dalawa ang taltong barya na ginagamit sa kara-krus at perang pamusta na aabot sa P260.00 habang nakuha sa pag-iingat ni Barrera ang isang .38 kalibre na baril na kargado ng dalawang bala.
Napag-alaman na ang suspek na si Barrera na miyembro ng isang gang at nakulong na dahil sa kasong pagnanakaw at Disobedience to a Person in Authority.