DALAWA, KABILANG ANG ISANG BUNTIS AT BATA, NASAWI SA AKSIDENTE SA ALAMINOS CITY

Nasawi ang isang babae, na tatlong buwang buntis, at ang isang taong gulang na bata sa aksidenteng naganap sa Old By-Pass Road sa Brgy. Tanaytay, Alaminos City, Pangasinan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, tatlong sasakyan ang sangkot sa insidente kung saan parehong direksyon ang tinatahak ng kulong-kulong na sinasasakyan ng mga biktima at ng isang motorsiklo.

Nangyari ang insidente nang bumangga ang motorsiklo sa likurang bahagi ng kulong-kulong dahilan upang mapunta ito sa kabilang linya at sunod na nahagip ng kasalubong na light commercial vehicle.

Dahil dito, tumilapon ang mga sakay ng kulong-kulong at nasugatan ang mga driver ng dalawang sasakyan.

Naisugod pa sa pagamutan ang mga pasahero ng kulong-kulong ngunit pumanaw ang dalawa sa mga biktima habang ginagamot.

Naisalba naman ang isang anim na taong gulang na kasamahan ng mga ito.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga napinsalang sasakyan, habang patuloy pa ang imbestigasyon para sa posibleng pananagutan ng mga sangkot sa insidente.

Facebook Comments