Apektado na rin ng oil spill ang dalawang barangay sa Taytay, Palawan matapos na lumubog ang MT Princess Empress sa bahagi ng Naujan, Oriental Mindoro kamakailan.
Sa Laging Handa briefing sinabi ni Jerry Alili, head ng Palawan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na ang dalawang barangay sa Taytay palawan na apektado na rin ng oil spill ay ang Barangay Beton at Barangay Calawag.
Una nang naapektuhan ng oil spill ang Barangay Casian sa Taytay, Palawan na ayon kay Alili ay umabot sa 150 liters ang nakuhang langis matapos ang ikinasang clean up drive.
Ayon kay Alili, ang mga apektadong lugar na ito ay coastal barangay sa bayan ng Taytay.
Wala naman aniyang mga naitalang apektadong residente dahil sa oil spill pero may seaweeds plantation ang bahagyang naapektuhan sa may bahagi ng Barangay Calawag.
Nakikipag-ugnayan na aniya ngayon ang PDRRMO sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at lokal na pamahalaan ng Taytay para matukoy kung gaano kalaki ang pinsala ng oil spill upang makapagbigay ayuda sa mga mangingisda.
Kaugnay nito ayon kay Alili, gumagawa na nang paraan ang mga iba pang lokal na pamahalaan sa Palawan para mapigilan na maapektuhan ng oil spill ang iba pang lugar sa Palawan lalo na ang mga dinadagsa ng turista gaya ng El Nido at Coron.