Sa layuning mapalakas ang disaster preparedness sa Batangas, partikular ang abnormal na aktibidad ng Bulkang Taal, magtatayo pa ng dagdag na dalawang evacuation centers doon.
Kasunod naman ito ng pagpirma ng Memorandum of Agreement (MOA) ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ng lokal na pamahalaan ng Sta. Teresita at Alitagtag.
Ang pagpirma ng MOA ay kasabay ng ginawang groundbreaking ceremonies ng itatayong evacuation facilities sa naturang mga bayan.
Ayon kay DHSUD Chairman Eduardo del Rosario, dahil sa permanenteng problema na dala ng nangyayaring pagputok ng Bulkang Taal, mahalaga na makapagtayo ng naturang pasilidad na magtatagal ng limampung taon.
Inatasan ni Del Rosario si DHSUD Regional Office 4A Director Jann Roby Otero na magsagawa ng regular inspection sa Barangay Calayaan para matiyak na pinakamataas na standard ng pasilidad lang ang maitatayo roon.
Una nang nagkasundo ang DHSUD at ang lokal na pamahalaan ng Mataasnakahoy para sa groundbreaking ceremony ng itatayong evacuation center doon.
Isa pang hiwalay na MOA ang pinirmahan ni Secretary Del Rosario para sa pagbili ng lupa para sa konstruksyon ng resettlement site sa Mataasnakahoy para sa mga pamilya na nawalan ng tirahan dulot ng pagputok ng bulkan noong nakaraang taon.