
Humiling ng executive session ang dalawang mambabatas na naimbitahan ngayong araw sa pagdinig ng Independent Commision for Infrastructure (ICI).
Ang mga resource person na ito ay sina Quezon 3rd District Rep. Reynante Arrogancia at Occidental Mindoro Lone District Rep. Odie Tarriela.
Nakatakda silang humarap sa komisyon mamayang alas-9:00 hanggang alas-10:30 ng umaga.
Nang tanungin ang ICI kung bakit puro executive session ang nangyayari ngayon sa hearing gayong may guidelines nang inilabas ang komisyon, sinabi ni ICI Executive Director Atty. Brian Keith Hosaka na nakadepende sa mga resource person ang desisyon lalo na’t may sensitibong impormasyon na posibleng makaapekto sa buhay at makaapekto sa imbestigasyon ng ibang ahensya.
Inilabas ni Hosaka ang pahayag matapos na kwestyunin ng media ang komisyon kung ano ang gagawin kapag ang lahat ng resource person ay hihiling ng closed-door meeting.
Hindi pa nililinaw ng komisyon kung ano-anong partikular na pangamba ang inilahad kahapon nina Rep. Atayde at Rep. Asistio.
Samantala, tatanungin naman ng ICI si Rep. Dean Asistio kung payag siyang ilabas sa publiko ang kanyang affidavit sakaling hilingin ng media.









