Humarap sa imbestigasyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang dalawa pang testigo laban kay Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ang mga ito ay sina Reynita Fernandez, dating KOJC member at isang domestic worker sa Singapore at si Dindo Maquiling, ang dating Executive Director ng Children’s Joy Foundation sa Canada na isang charitable organization na sinimulan ni Quiboloy.
Ayon kay Fernandez, 2016 nang siya’y bumalik bilang tagasunod ni Quiboloy at ginawang lider ng mga workers doon kung saan kinakailangan nilang magbahay-bahay araw-araw at makakolekta ng 200 SG dollars kada araw.
Kapag ‘time of month of blessings’ tuwing September hanggang Marso ay umaabot sa 12,000 SG dollars ang kanyang quota kung saan kinukuha niya ito mula sa pangangaroling, pagbebenta, pag-solicit at pangungutang.
Iba pa ito sa 200 SG dollars mula sa kanyang buwanang kita sa pagtatrabaho at sa 10 percent tithes na ibinibigay sa kanilang simbahan at kapag naging committed sa kanilang kingdom ay tumataas sa 90 percent ang offering sa katwirang mas malaking tithes ay mas maraming biyaya ang makukuha.
Samantala, si Maquiling naman ay umalis sa foundation ni Quiboloy noong 2019 matapos malaman na ang nalikom na 1 million Canadian dollars na tulong para sa mga bata ay hindi pala napupunta sa dapat na makatanggap kung hindi napunta lamang ito sa pang-gas sa jet ng pastor.
Dagdag pa sa binunyag ni Maquiling ang iligal na pagpapakasal sa mga myembro ng kingdom na umabot na sa 100 para makapasok sa Canada at makakuha doon ng permit residency.