Dalawa, patay sa shootout sa Ever Gotesco shootout sa Quezon City

Patay ang dalawang pulis sa nangyaring shootout sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Batay sa paunang ulat, nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga miyembro ng QCPD Special Operations Unit sa isang fast food chain sa Ever Gotesco Mall compound nang mangyari ang insidente.

Hindi inakala ng mga pulis na PDEA agents ang kanilang naka-transaksyon.


Sa nangyaring komprontasyon nauna raw bumunot ng baril ang mga PDEA agents at ipinutok sa mga pulis kaya gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkasugat ng anim.

Isinugod sa ospital ang team leader ng QCPD-DSOU group matapos masugatan.

Sa isang panayam kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon, sinabi niya nagsasagawa rin ang kanilang mga tauhan ng lehitimong buy-bust sa Ever Gotesco Mall nang mangyari ang shootout.

“Hindi pa po malinaw ‘yong detalye base don mga pangyayari kanina except for the fact na ang alam po natin ay nag-coordinate ang ating mga tropa for a legitimate buy-bust operation in that area,”  sabi ni Carreon.

Nagtungo sa pinangyarihan ng insidente kagabi sina PDEA Director General Wilkins Villanueva, Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas at QCPD Chief Police Brigadier General Danilo Macerin.

Nagdulot ng matiding trapiko sa panulukan ng Commonwealth Avenue ang insidente.

Samantala, sa statement ng Ever Gotesco Mall na tiniyak nilang ligtas ang lahat ng kanilang shoppers at prayoridad nila ang kaligtasan ng publiko at ng kanilang mga empleyado.

Mahigpit na nakikipag-coordinate ang mall sa PNP.

Nananawagan naman si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa kanilang mga residente na iwasan ang pag-post at pagpapakalat ng fake news o maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot at pagkalito sa mga makakabasa at makakakita nito sa social media.

Facebook Comments