Tinatayang nasa 1.67 million o dalawa sa bawat 100 Pilipino na may edad 10 hanggang 69 taong gulang ay gumagamit ng ilegal na droga.
Ito ang lumabas sa 2019 National Household Survey on the Patterns and Trends of Drug Abuse na inilabas ng Dangerous Drugs Board (DDB).
Sa statement ng DDB, lumalabas sa 2019 Drug Survey na ang kasalukuyang user prevalence rate ay nasa 2.05%, mababa kumpara noong 2018 global estimate na nasa 5.3% base sa datos mula sa World Drug Report 2020.
Kung pagbabatayan ang 5.8% lifetime user prevalence rate, sinabi ng DDB na nasa 4.73 million o anim sa bawat 100 Pilipino may edad 10 hanggang 69 ang gumamit ng droga kahit isang beses sa kanilang buhay.
Lumalabas lamang dito na mataas ang kamalayan at pagsuporta ng publiko sa anti-drug campaign ng gobyerno.
Hindi lamang napagtagumpayan ng pamahalaan ang pagpatag o flatten ng user prevalence rate pero nabaligtad ang trend.
Base rin sa report, ang marijuana ang pangkaraniwang ginagamit o inaabuso na nasa 57%, kasunod ang shabu nasa 35%.
Ang average na edad na nagsisimulang gumagamit ng droga ay nasa 22 anyos.