Malaking bantang magkaroon ng non-communicable diseases ang dalawa sa bawat limang adult Filipinos dahil sa pagiging overweight at obese.
Ito ang lumabas sa pag-aaral ng ika-walong National Nutrition Survey ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng Department of Science and Technology.
Batay sa pag-aaral, patuloy na lumalaki ang bilang ng adult Filipinos na lumolobo rin ang timbang.
Ayon kay National Nutrition Council Region 7 Director Parolita Mission, maaaring magdulot ng diabetes, cardiovascular diseases at ilang uri ng cancer ang obesity.
Iginiit ni Mission na kailangang paigtingin ang kamalayan ng publiko sa mga sakit na maaaring makuha sa labis na timbang.
Hinihikayat nila ang mga kumpanya, ahensya at organisasyon mula sa pribado at pampublikong sektor na magsagawa ng healthy lifestyle program para sa kanilang mga empleyado at kanilang pamilya.
“In this time of pandemic, people are all vulnerable to COVID-19 and this vulnerability is affected by our nutritional status. We are aware that malnutrition weakens our immune system,” sabi ni Mission.
Ikinababahala rin ni Mission na maraming pamilya ang kumokonsumo ng junk foods o mga pagkain na mataas ang calories pero mababa sa sustansya, na sinamahan pa ng sedentary lifestyle o palaging walang ginagawa.
Ang mga mayroong comorbidities at mga obese ay mas madaling kapitan ng COVID-19.