Naniniwala ang dalawa mula sa limang Pilipino na lalala sa susunod na 12 buwan ang ekonomiya ng Pilipinas.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 40% ng respondents ang nagsasabing lalala ang ekonomiya sa susunod na 12 buwan, 24% naman ang nagsabing walang pagbabago sa ekonomiya, habang 30% ang naniniwalang bubuti ang ekonomiya sa susunod na 12 buwan.
Ang naitalang 40% ay ikinokonsiderang economic pessimists at ito ang pinakamataas sa loob ng 12 taon, mula nang maitala ang 52% noong 2008.
Ang 30% economic optimists ay pinakamababa sa loob ng limang taon mula nang maitala ang 27% noong March 2015.
Lumabas din sa survey na ang net economic optimism o ang expectations sa Philippine economy ay bumagsak sa -9, na ikinokonsiderang “mediocre.”
Ang pagbaba ng net economic optimism ay naitala sa Visayas, Mindanao, Balance Luzon at Metro Manila.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng mobile phone at computer-assisted telephone interview sa 1,555 adult respondents sa buong bansa.