Lagda na lamang ni Pangulong Bongbong Marcos ang hinihintay para maging ganap na batas ang dalawa sa priority measures ng pamahalaan matapos na ratipikahan ang mga ito sa Senado bago magsara ang sesyon.
Ang mga ito ay ang panukalang Public-Private Partnership (PPP) Code of the Philippines at ang Ease of Paying Taxes Act.
Ayon kay Senator JV Ejercito, sponsor ng bicameral conference committee report ng PPP Act, pinalalakas pa nito ang framework ng pagpoproseso ng mga PPP projects.
Dito ay ginagawang malinaw ang papel ng pribado at pampublikong sektor para matiyak na ito ay tumatalima sa mga alituntuning itinatakda ng batas.
Pinapayagan din ang pamahalaan na gumawa ng mas episyenteng proseso na hindi nasasakripisyo ang antas ng pagiingat na ipinagkaloob sa bawat PPP project.
Ibinabalanse rin ang pagbibigay ng insentibo sa mga private partners na makikilahok sa PPP program habang pinoprotektahan ang interes ng publiko.
Samantala, sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na ang final version ng “Ease of Paying Taxes Bill” ay magbibigay ng taxpayer segmentation, file-and-pay anywhere mechanism, paglilibre sa mga maliliit na taxpayers sa withholding taxes, pagbabawas sa multa sa mga micro at small taxpayers, at pag-exempt sa mga OFWs mula sa paghahain ng income tax returns.