Natapos na ng Department of Science and Technology (DOST) ang dalawa sa tatlong clinical trials sa virgin coconut oil (VCO) bilang potensyal na antiviral agent laban sa COVID-19.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato de la Peña, nakitaan ng magandang resulta ang isinagawang “in vitro trial” ng VCO sa Singapore.
Sa pag-aaral, nakita na nakakapuksa ng virus ang VCO pero para lamang sa low SARS 2-COV concentration.
Bukas naman inaasahang mailalabas na rin ang resulta ng pag-aaral na isinagawa sa Sta. Rosa City Hospital na nilahukan ng 57 probable at suspect COVID-19 patients.
Aniya, magaling at nakauwi na ang lahat ng participants kaya kumpiyansa silang maganda rin ang naging epekto ng VCO sa kanilang katawan.
Pero paglilinaw ng kalihim, hindi gamot o bakuna ang VCO pero maaari itong makatulong para mapalakas ang resistenya at immune system ng isang tao.
Samantala, aminado si de la Peña na pahirapan ang clinical trial nila Philippine General Hospital (PGH) dahil sa pagdalang ng na-a-admit na mga pasyenteng may severe at moderate COVID-19 cases.
“Well, magandang balita kung kokonti na ‘yong dinadalang severe at moderate pero may epekto ‘yan sa kahabaan ng trial na aming isinasagawa. Kung madalang ang dating ng pasyente ay matatagalan din ang resulta,” paliwanag ng opisyal.
Kaugnay nito, umaasa ang kalihim, na taon-taon silang matataasan ng budget para makapagsagawa sila ng mas malalim na pag-aaral ukol sa virus.
“Kung gusto pa natin na magkaroon pa ng more in-depth, siguro at higher levels of concentration of the virus e that’s will require another funding so kaya nga kami sana ay nananalangin na every year ay tumaas ang aming budget for research and development,” si DOST Secretary Fortunato de la Peña sa interview ng RMN Manila.