Nag-negatibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang dalawa sa tatlo na pinauwing Pinoy crew ng MV Diamond Princess cruise ship.
Ito ang kinumpirma ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire.
Ayon pa kay Vergeire, hinihintay pa nila ang test result o resulta ng isa pang sinusuri na repatriate na naka-quarantine sa New Clark City sa Capaz, Tarlac.
Unang isinugod sa hospital ang tatlo matapos makitaan ng sintomas ng COVID-19 kung saan dalawa sa pasyente ay may sore throat, habang ang isa ay nakaranas ng ubo.
Ang mga nasabing repatriate na crew ng MV Diamond Princess na galing sa Japan ay kabilang sa mahigit 400 crew ng cruise ship na umuwi sa Pilipinas.
Matatandaan na dalawang beses nang sinuri ang mga Pinoy sa cruise ship bago tuluyang inilipad sa Pilipinas matapos silang mag negatibo sa lahat sa test.
Magkaganoon pa man, kailangan pa rin silang i-quarantine ng panibagong dalawang linggo bilang bahagi ng health protocol.