Dalawa ang sugatan matapos mabangga ang isang motorsiklo at isang kotse sa San Jacinto, Pangasinan noong Linggo ng gabi, Nobyembre 23.
Ayon sa imbestigasyon, minamaneho ng isang 25-anyos na lalaki ang motorsiklo kasama ang pasahero nito mula San Fabian nang mabangga ang mga ito ng kotse na minamaneho ng isang 54-anyos na residente ng San Jacinto.
Lumabas na habang tumatawid sa kanlurang bahagi ng kalsada ang motorsiklo, biglang pumasok sa lane nito ang kotse mula sa drive-thru ng isang fast-food restaurant, na nagresulta sa head-on collision.
Sugatan ang driver at pasahero ng motorsiklo, na parehong hindi nakasuot ng helmet, habang hindi naman nasaktan ang driver ng kotse na nag-positibo sa alcohol test.
Dinala sa ospital ang mga nasugatan para sa gamutan, habang ang parehong sasakyan ay dinala sa San Jacinto MPS para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang aksyon.









