*Cauayan City, Isabela- *Namahagi na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2 ng tig-dalawampung libong piso (200,000.00) bilang livelihood assistance sa mga Distressed na OFW’s dito sa lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay ginang Luzviminda Tumaliuan, ang Officer in Charge ng OWWA Region 2 na nasa labing isang OFW na umano sa lalawigan ng Isabela ang kanilang nabigyan ng tig-dalawampung libong piso na tulong pangkabuhayan ng OWWA.
Aniya, bago umano nila ibibigay sa isang Distressed na OFW ang dalawampung libong piso ay kinakailangan muna umano nilang sumailalim sa Entrepreneurial Development Training upang makagawa ang mga ito ng project proposal na susuriin naman ng OWWA.
Ayon pa kay ginang Tumaliuan, kanila ring hinihikayat ang mga ito na magnegosyo na lamang at huwag ng bumalik sa ibang bansa subalit hindi umano nila pipigilan ang mga ito kung gusto nilang magtrabaho sa abroad.
Samantala, isa rin umano sa nabigyan ng paunang pinansyal na tulong ng OWWA-2 ay si ginang Merly Rivera ng San Mateo, Isabela na tinorture ng amo sa Abu Dhabi, UAE na sanhi ng kanyang pagkabulag.