Matapos ang kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu noong August 24 ay walang tigil ang pinaigting na focused military operation sa Sulu.
Dahil dito, naka-engkwentro ng tropa ng 3rd at 5th Scout Ranger Battalions ang grupo ng Abu Sayyaf sa Patikul Sulu alas 9:45 ng umaga kahapon.
Sa sagupaan, napatay ang dalawang miyembro ng Abu Sayyaf at nakuha ang dalawang matataas na kalibre ng armas.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang pagtugis ng militar kay Abu Sayyaf Group (ASG) leader Mundi Sawadjaan at kaniyang mga kasamahan na sinasabing responsable sa pagpapasabog sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng 17 katao kabilang ang dalawang suicide bomber.
Sinabi ni BGen. William Gonzales ang commander ng Joint Task Force Sulu, gumagana na ngayon ang lahat ng kanilang military assets para mahanap at mapanagot ang lahat ng responsable sa pagsabog.
Nagpapasalamat naman si Gonzales kay Patikul Sulu Mayor Kabir Hayudini dahil sa pagdedeklara nitong persona non grata sa Abu Sayyaf Group nitong August 27.