Dalawang magkasunod na insidente ng vehicular traffic ang naiulat sa mga bayan ng Santa Barbara at Villasis, Pangasinan, na nagresulta sa pagkasugat ng ilan at pagkasawi ng isang indibidwal.
Sa Sta. Barbara, isang motorsiklo ang bumangga sa isang pedestrian sa Brgy. Banaoang, Santa Barbara. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang motorsiklo ay minamaneho ng isang 25-anyos na lalaki na walang lisensya, hindi nakasuot ng helmet o reflectorized vest, at hinihinalang nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Ang biktima, isang 22-anyos na pedestrian, ay naglalakad sa shoulder ng kalsada nang aksidenteng masagi ng paparadang motorsiklo na patungong silangan.
Parehong nagtamo ng sugat ang pedestrian at ang driver, at agad na dinala sa Region Medical Center sa Dagupan City para sa medikal na atensyon. Nasira rin ang motorsiklo at dinala sa Sta. Barbara Police Station para sa tamang dokumentasyon.
Bandang alas-2:10 naman ng madaling araw ng Oktubre 14, 2025, isang lalaking nag-aayos ng kadena ng kanyang tricycle ang nasawi matapos masagasaan ng isang aluminum closed van sa kahabaan ng Villasis-Malasiqui Road sa Brgy. Unzad, Villasis, Pangasinan.
Batay sa paunang ulat, ang kulay pulang tricycle (walang plaka) ay minamaneho ng isang 28-anyos na lalaki na umano’y nasa ilalim ng impluwensiya ng alak, habang ang van ay minamaneho ng isang 34-anyos na lalaki na hindi naman lasing sa oras ng insidente. Habang inaayos ng biktima ang kadena ng tricycle sa gilid ng kalsada, siya ay aksidenteng nabangga ng paparating na van na patungo rin sa silangang direksyon.
Ang biktima ay agad na isinugod sa Urdaneta District Hospital subalit idineklara siyang dead on arrival ng kanyang attending physician. Hindi naman nasaktan ang driver ng van. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









