
Dalawang magkahiwalay na insidente ng vehicular traffic ang naitala sa bayan ng Bugallon, Pangasinan nitong Nobyembre 3 at 4, 2025.
Naganap ang una, noong hapon noong Nobyembre 3 sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Polong, kung saan sangkot ang isang kotse at isang passenger bus.
Ayon sa imbestigasyon ng Bugallon Police Station, papunta sa kanluran ang dalawang sasakyan nang biglang huminto ang kotse upang lumiko pa-kaliwa at nabangga ito sa likuran ng bus.
Parehong ligtas ang mga drayber at agad dinala sa Rural Health Unit ng Bugallon para sa medikal na pagsusuri. Ang dalawang sasakyan ay nagtamo ng pinsala at pansamantalang dinala sa himpilan ng pulisya para sa tamang disposisyon.
Samantala, sa ikalawang insidente, naganap kaninang madaling araw, kung saan naganap ang banggaan ng dalawang motorsiklo sa Sitio Socony, Brgy. Salasa, kung saan nasugatan ang ilang indibidwal.
Batay sa ulat, binangga ng motorsiklong pa-timog ang kasalubong nitong motor matapos lumihis sa linya.
Dinala sa Lingayen District Hospital ang mga nasugatan para sa medikal na atensyon.
Napag-alaman din ng mga awtoridad na parehong nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang drayber at ang backrider ng ikalawang motorsiklo.
Ang mga sangkot na sasakyan ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Bugallon Police Station habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









