
Arestado ng PNP Anti-Kidnapping Group, Mindanao Field Unit, Cotabato Satelite Office ang dalawang akusado na isinasangkot sa pagpatay kay former director ng Cotabato City Police Office at ex-chief ng City LGU Public Safety Office retired PBGEN. Rolen Balquin.
Ayon kay PNP-AKG MFU Cotabato Investigator PEMS Marivic Maghanoy, natunton ang dalawang akusado sa bahagi ng Macapagal Verano Pier, Surigao City pasado 9:00 ng gabi, Setyembre 8.
Bitbit ng mga operatiba ang arrest warrant laban sa dalawang akusado na may criminal case no. 2022-13429 at 2022-13430 na inisyu ng RTC 12th Judicial Region, Branch 13, Cotabato City Maguindanao na may petsang June 23, 2022.
Walang inirekomendang piyansa ang korte sa kasong murder habang makakalaya naman ang mga ito sa kasong frustrated murder kapag nakapaglagak ng P200,000 bawat isa.
Nasa kustodiya na ng PNP-AKG MFU Cotabato ang mga akusado habang hinihintay na lamang ang commitment order ng mga ito para ilipat sa Cotabato City Jail.








