Arestado ang dalawang babaeng negosyante matapos na magbenta ng SARS-COV-2 antibody test ng walang kaukulang permit sa Barangay Linao, Lipata Minglanilla, Cebu.
Sa ulat ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), nagsagawa ng operasyon ang CIDG Mandaue laban sa mga hoarders at sellers na overpriced o ilegal na nagbebenta ng mga medical supplies.
Sa entrapment operation, nadakip ang dalawang babaeng negosyante na kinilalang sina Danna Faith Lague, 29-anyos at Katheryn Bajar, 43-anyos na nagbebenta online ng mga rapid test kits na walang permit.
Nakumpiska sa mga ito ang 20 box ng SARS-COV-2 antibody test na aabot sa halagang Php440,000.00.
Bawat box ay may lamang pouch na may mga nakalagay na 20 disposable droppers, detection buffer (1.6 ml) at leaflet na mayroong instruction kung paano ito gamitin.
Nakuha rin ang isang sasakyan, marked money at boodle money.
Sa ngayon, nahaharap ang dalawang naaresto sa mga kasong paglabag sa RA 9711 in relation to FDA Advisory No. 2020- 497 at 498 o Unauthorized Selling Online of COVID test kits.