Dalawang Kolehiyala sa Cabatuan Isabela, Timbog sa Drug Buy Bust ng PNP Cauayan City!

Cauayan City, Isabela – Bagsak sa kamay ng mga otoridad ang dalawang babae na college students matapos kumagat sa ikinasang drug buy bust operation ng PNP Cauayan City kahapon sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa impormasyong ibinahagi ng Isabela Police Provincial Office, kinilala ang mga suspek na sina Kathleen Joy Duque Fronda, labinwalong taong gulang, dalaga, residente ng Caloocan, Cabatuan; at Princess Ann Domingo Omotoy, bente uno anyos, dalaga, residente ng Macalaoat Cabatuan, Isabela at pawang first year college students.

Sa inisyal na imbestigasyon, patuloy ang pagtitinda ng mga suspek sa iligal na droga partikular ang marijuana sa Brgy. San Fermin, Cauayan City kaya’t ikinasa ng PNP Cauayan City ang drug buy bust operation kasama ang PDEA2 na nagresulta naman ng pagbenta ng dalawang suspek sa nagpanggap na buyer ng marijuana.


Nakumpiska mula kina Fronda at Omotoy ang isang piraso ng nakataling ice bag na naglalaman ng hinihinalang tuyong dahon ng marijuana na napatungan ng prutas.

Direkta ring nakuha sa dalawang suspek ang limang daang piso bilang marked money, isang brown envelop, isang plastik na naglalaman ng hinihinalaang tuyong dahon ng marijuana at ilang school credentials.

Samantala, ang mga nakumpiskang mga bagay at ang dalawang suspek ay nasa himpilan na ng PNP Cauayan City para sa karagdagang imbestigasyon.

Facebook Comments