
Cauayan City — Dalawang bagong ambulansya ang ipinagkaloob sa City of Ilagan Medical Center bilang karagdagang kagamitan sa serbisyong pangkalusugan ng lungsod.
Mabilis na inaprubahan ng Department of Health ang kahilingan ng Sangguniang Panlungsod para sa ambulansya, sa pangunguna ni Vice Mayor Jayve Diaz na ipinadala naman sa ospital sa pamamagitan ni Usec. Glenn Baggao.
Ang pagdaragdag ng mga ambulansya ay nagpalakas sa kapasidad ng CIMC sa pagtugon sa mga emergencies, aksidente, at iba pang pangangailangan sa medikal na serbisyo.
Pormal nang isinama sa fleet ng ospital ang mga bagong ambulansya at agad na operational upang matugunan ang agarang pangangailangan ng mga pasyente sa lungsod at karatig na lugar.
Bahagi ang hakbang na ito ng patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan ng Ilagan upang mapabuti ang kalusugan at kaligtasan ng komunidad, kasabay ng pagpapaigting ng koordinasyon sa Department of Health para sa mas maaasahang serbisyo sa mga mamamayan.
Source: City Government of Ilagan









