
Nasira ang dalawang pamamahay sa lalawigan ng Zamboanga del Sur matapos mabagsakan ng nabuwal na puno kahapon bunsod ng malakas na ulan at hangin na dala ng Severe Tropical Storm Opong.
Batay sa Report ng LDRRMO Dinas, bumagsak ang puno ng niyog sa isang residential house sa Barangay West Migpulao, Dinas, at bahagyang nasira ang isang bahagi ng naturang bahay.
Naganap ang insidente sa gitna ng malakas na hangin kahapon.
Wasak din ang isa pang bahay sa Purok Katidtuan, New Labangan, Zamboanga del Sur, matapos ding mabagsakan ng nabuwal na punong niyog dahil sa malakas na ulan at hangin.
Wala namang natala na sugatan sa naturang pangyayari ngunit sira-sira ang mga gamit sa loob ng bahay bunsod ng malakas na hangin na nagresulta sa pagkabuwal ng apat na puno ng niyog.
Mabilis namang rumesponde ang mga opisyales ng barangay at Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) responders para sa clearing operation.









