Dalawang Bakbakan sa Pagitan ng NPA at Militar, Magkasunod sa Isabela

Magkasunod ang nangyaring bakbakan sa pagitan ng hindi pa matukoy na bilang ng New People’s Army at Militar sa mga bayan ng San Guillermo at Echague, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan mula sa 502nd Infantry Brigade, nangyari ang unang labanan sa pagitan ng NPA at ng 95th Infantry Battalion sa ilalim ng 502n Brigade sa Barangay Rizal, San Guillermo kaninang tanghali na nagdulot ng pagkamatay ng isang di pa nakikilalang kasapi ng NPA.

Nabawi mula sa pinangyarihan ng labanan ang limang di pa malamang kalibre ng baril at isang bangkay ng pinaghihinalaang kasapi ng NPA.


Ang pangalawang bakbakan ay sa pagitan naman ng 86th IB na nagsagawa ng hot pursuit kontra sa mga NPA sa bahagi ng San Miguel, Echague, Isabela.

Batay sa impormasyon na nakuha ng RMN Cauayan, kasalukuyan pa ang labanan ng NPA at mga elemento ng 86th IB sa bayan ng Echague, Isabela sa mga sumandaling sinusulat ang paunang balita na ito.

Anyabayanan ang dagdag na detalye sa pangyayaring ito dito sa rmn.ph.

Facebook Comments