Dalawang bangkay, narekober sa nangyaring sunog sa Maynila

Dalawang bangkay ang narekober ngayon ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa nangyaring sunog sa Quiapo, Maynila.

Partikular sa residential area sa Arlegui Street na sakop ng Brgy. 387, Zone 39.

Ang dalawang biktima ang kabilang sa anim na indibidwal na kumpirmadong nasawi dahil sa sunog na naganap kaninang madaling araw.


Hindi pa naman matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima kung saan agad din itong dinala sa punerarya para isailalim sa otopsiya habang apat na iba pa ay hindi pa nailalabas ng mga awtoridad.

Patuloy naman ang paghihintay ng mga residente gayundin ng mga kamag-anak upang malaman ang kumpirmasyon ng mga awtoridad sa iba pang nawawala.

Kasalukuyang nananatili sa covered court sa Brgy. 388, Pasaje del Carmen Street sa Quiapo, Manila ang karamihan sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa nangyaring sunog.

Tuloy-tuloy rin naman ang paghahatid ng tulong ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) habang umaalalay na rin ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para magkaroon ng masisilungan at mahihigaan ang mga indibidwal na naapektuhan ng nasabing insidente.

Facebook Comments