Muling isasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Barangay Banay-Banay sa Cabuyao City sa lalawigan ng Laguna.
Ito’y upang mapigilan o maiwasan ang pagdami ng bilang ng mga tinamaan ng COVID-19, kung saan nasa 13 ang kumpirmadong kaso at 11 dito ang active cases.
Magsisimulang ipatupad ang ECQ bukas, July 11, 2020, araw ng Sabado, na magtatagal naman hanggang July 30, 2020 kaya’t inaabisuhan ang mga residente na sumunod sa inilatag na guidelines tulad ng pagpapaigting sa oras ng curfew, schedule sa pamamalengke, pagpapairal ng mga quarantine pass at pagkuha ng barangay certification sa mga tricycle at pribadong sasakyan.
Samantala, isinailalim na sa lockdown ang Barangay Pulo sa Cabuyao City dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ang naturang lockdown sa Barangay Pulo ay sinimulan na kahapon na magtatagal hanggang July 23, 2020.
Nabatid na nasa sampu (10) ang kumpirmadong kaso sa nabanggit na barangay at lima (5) dito ay active cases kung saan limitado na ang araw ng paglabas ng mga tao sa pagpunta sa palengke gayundin ang mga tindahan habang kinakailangan na magpakita ng quarantine pass ang mga papasok sa trabaho at bawal na rin lumabas ang edad 21-anyos pababa at mga senior citizens.