Dalawang barko, nagbanggaan sa karagatang bahagi ng Quezon Province

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nangyaring banggaan ng dalawang sasakyang pandagat sa bahagi ng Lucena City, Quezon Province.

Sa ulat ng PCG, nangyari ang collission sa pagitan ng MV Peñafrancia VI at FV Sr. Fernando II sa katubigang malapit sa Port of Lucena sa Brgy. Takao-Talao bandang alas siyete ng umaga kanina.

Patungo sana ng Balanacan Port sa Marinduque and MV Peñafrancia VI habang pabalik naman mula Tayabas Bay ang FV Sr. Fernando 2 nang magkabanggaan ang dalawa.

Agad pinabalik ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Lucena ang MV Peñafrancia VI sa pantalan para suriin ang barko at alamin kung may nasaktang sakay nito.

Ligtas naman ang 18 tripulante at 82 pasahero ng Peñafrancia maging ang 16 na crew ng Sr. Fernando.

Wala namang nakitang oil spill dahil sa insidente at nagkasundo rin agad sa pagbabayad ng danyos.

Kalaunan ay nakapaglayag din ang mga pasahero ng MV Peñafrancia VI sakay ng ibang barko.

Facebook Comments