Hinarang at binuntutan ng mga barko ng China ang dalawang barko ng Pilipinas sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS) ngayong araw.
Batay sa monitoring ng international maritime expert na si Ray Powell, hinarang ng China Coast Guard (CCG) vessel 5203 ang Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Cabra at BRP Cape Engano ng Philippine Coast Guard (PCG) na naglalayag 14 nautical miles ng silangang bahagi ng Ayungin Shoal.
Habang mayroon din aniyang anim na Chinese maritime militia vessels ang malapit na nakabuntot sa mga barko ng PCG.
Dagdag ni Powell na parehong nag-transmit ng kanilang Automatic Identification Signals (AIS) ang mga barko ng PCG.
Dahil dito, nagpadala pa aniya ng pitong karagdagang militia vessels ang China upang palakasin ang ‘blockade’ o pagharang sa paligid ng Ayungin Shoal.
Samantala, sa huling update ni Powell, sinabi nitong lumayo na ang BRP Cabra at BRP Cape Engano sa Ayungin at papunta na sa Escoda Shoal, ngunit patuloy pa rin silang binubuntutan ng CCG 5203 vessel habang nanatili sa kanilang posisyon sa Ayungin ang mga militia vessels ng China.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang PCG ukol sa naturang pangyayari.