Dalawang bata sa Batangas, nagpositibo sa hand, foot and mouth disease – DOH

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa hand, foot and mouth disease (HFMD) ang dalawang bata mula sa Batangas.

Ayon kay DOH Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang nasabing dalawang batang tinamaan ng HFMD ay kabilang sa mga pasyenteng pinaghihinalaang kaso ng sakit sa naturang probinsya.

Iginiit din ni Vergeire na mula sa 352 suspected cases ng HFMD sa Batangas ay lumabas sa kanilang pagsusuri na wala pa pala sa 50 ang pinaghihinalaang kaso ng virus.


Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy pa ang pagsusuri sa ibang pasyente.

Paliwanag ni Vergeire na marami sa mga pasyente ang tinanggal sa listahan dahil wala silang lagnat bago magkaroon ng mga sugat.

Una na rin nilinaw ng DOH-Calabarzon na 49 lang ang pinaghihinalaang kaso ng HFMD sa Batangas mula Setyembre 26 hanggang Oktubre 16.

Matatandaang, nagsuspinde ng klase mula Oktubre 18 hanggang 21 si San Pascual, Batangas Mayor Antonio Dimayuga sa nursery hanggang Grade 3 students sa walong barangay dahil sa HFMD outbreak na tumama sa nasabing lalawigan.

Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention, ang HFMD ay sanhi ng isang virus mula sa enterovirus family at maaaring maipasa sa person-to-person contact, respiratory droplets at paghawak sa mga bagay na posibleng kontaminado ng virus.

Kabilang naman ang paghuhugas ng kamay, paglilinis ng kapaligiran, disinfection at pag-iwas sa pakikisalamuha sa mga taong may HFMD ang mga paraan upang hindi mahawaan ng sakit.

Facebook Comments