DALAWANG BIKTIMA NG SEX TRAFFICKING SA URDANETA CITY, NASAGIP NG AWTORIDAD

Dalawang babae ang nasagip mula sa umano’y sex trafficking sa isang operasyon na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Urdaneta City, Pangasinan.

Batay sa imbestigasyon, ang mga biktima at 12 pang kababaihan ay ni-recruit umano online para magtrabaho bilang mga waitress sa isang KTV bar sa Agoo, La Union.

Subalit, pagdating nila sa lugar ay pinilit silang maging entertainers at inalok sa mga lalaking customer para sa sexual services.

Kalaunan, inilipat sila sa isa pang KTV bar sa Urdaneta City kung saan umano sila tinakot na babarilin kung tatakas.

Kinumpirma ng mga biktima ang kanilang karanasan at isiniwalat na inalok sila ng buwanang sahod na ₱20,000 kapalit ng trabaho.

Pinapirma rin sila ng kasunduan na may utang daw sila sa KTV bar at hindi makakaalis hangga’t hindi ito nababayaran—bagamat wala naman umano silang natanggap na pera mula sa mga recruiter.

Ayon sa mga nagreklamo, hawak umano ng isang sindikato ang mga biktima at ginagamit sa ilegal na operasyon ng human trafficking sa Hilaga at Gitnang Luzon.

Agad silang itinurn-over sa DSWD para sa wastong pangangalaga. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments