Dalawang binata, kapwa nasa edad 20, ang naaresto matapos mahuling nagnanakaw ng mga grocery items sa isang kilalang grocery store sa bayan ng Rosales, Pangasinan.
Batay sa paunang imbestigasyon, natuklasan na nagkaroon ng sabwatan ang dalawang suspek upang dayain ang transaksyon sa cashier. Isa sa kanila ang nagsilbing mamimili, habang ang kasama naman ay nasa posisyon upang manipulahin ang pag-scan ng mga produkto.
Lumabas sa resibo na ₱121.45 lamang ang kabuuang halaga ng mga nabili, subalit nang suriin ng mga guwardiya ang aktwal na laman ng basket, umabot ito sa halagang ₱2,177.25. Dahil dito, agad nilang napansin ang anomalya at sinundan ang isa sa mga suspek hanggang sa ito’y lumabas ng tindahan.
Kaagad siyang inaresto ng mga security guard, habang inimbitahan naman ang kanyang kasabwat sa opisina ng grocery store para sa mas malalim na imbestigasyon. Sa interogasyon, parehong umamin ang mga suspek na may sabwatan silang ginawa upang makalusot sa pagbabayad at makuha ang mga grocery items nang halos libre.
Agad silang isinuko sa Rosales Police Station at nakatakdang sampahan ng kasong Qualified Theft, alinsunod sa Revised Penal Code.
Pinuri naman ng pamunuan ng grocery store ang pagiging alerto at maagap ng kanilang mga security guard na nagresulta sa pagkakahuli ng mga suspek. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










