Nakapagtala na ng dalawang firework-related injury ang Pangasinan sa magkasunod na araw bago pa man sumapit ang mismong araw ng kapaskuhan.
Ayon sa Department of Health Region 1, isang pitong taong gulang na bata mula sa Bayambang ang napuruhan sa paggamit ng boga o improvised canon noong December 21 at isang 12 taong gulang na binatilyo mula sa Mangaldan noong December 22.
Bagaman hindi malubha ang injury na natamo ng dalawang biktima, tiniyak na naturukan ng anti tetanus toxoid vaccine ang dalawa upang hindi magka impeksyon dahil sa paputok.
Binigyang-diin naman ni DOH Regional Head Dr. Paula Paz Sydiongco ang kahalagahan na agad mabigyan ng lunas ang mga maitatalang firework-related injury ngayong holiday season. Sa Pangasinan, matatagpuan sa Region 1 Medical Center at Lingayen Dsitrict Hospital ang FWRI sentinel sites na itinalaga upang magmonitor sa listahan ng maitatalang masusugatan sa paputok.
Matatandaan na isinailalim ng DOH sa Code White Alert ang mga pampublikong ospital sa bansa upang matutukan ang mga related injuries sa pagdaraos ng pasko at bagong taon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨