Dalawang brokers ng sangkot sa smuggling, ipina-contempt ng senado

Ipina-cite in contempt ng Senate Committee on Agriculture ang dalawang brokers na hinihinalang sangkot sa smuggling sa loob ng Bureau of Customs (BOC).

Sa pagdinig ng komite ay ipina-contempt sina Lujin Arm Tenero ng 1024 Consumer Goods Trading at si Brenda de Sagun ng Berches Consumer Goods Trading dahil sa pagsisinungaling.

Sa panggigisa nina Agriculture Committee Chairman Kiko Pangilinan at Senator JV Ejercito ay hindi matukoy o mapangalanan ng dalawa kung sino ang kanilang kliyente na nagpapasok ng mga smuggled good sa bansa.

Sinabi ni Tenero na isang “Mr. Carlos” ang kanyang kausap na importer pero hindi umano niya alam ang apelyido nito na siyang nagpasok ng mga ipinuslit na frozen mackerel at round scads pero nakadeklara sa customs na chicken poppers at chicken lollipops.

Isa namang “Mr. Vicente” ang tinukoy ni De Sagun na nagrenta ng kanilang lisensya at iligal na nagpapasok ng mga imported na carrot at puting sibuyas pero nakadeklara ring chicken poppers at chicken lollipops pagpasok ng bansa.

Hinikayat naman ng mga senador ang dalawang brokers na magsabi ng totoo sabay alok ng proteksyon mula sa senado at posibleng sila ay maging state witness pa pero nagbabala rin ang mga mambabatas na mahaharap sila sa habambuhay na pagkakakulong kung mapatunayang sangkot sa smuggling.

Facebook Comments