Inabutan na ng pag-ulan ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa sinalakay na POGO hub sa Bagac, Bataan ngayong hapon.
Ayon kay PAOCC Spokesperson Dr. Winston Casio, itong sinalakay na POGO Hub ay ang Centro Park na umano’y isang business process outsourcing company na nasa ilalim ng lease ng Camayaland Corp.
Napag-alaman ng PAOCC na ito ay nag-o-operate bilang online scams kung saan sangkot ang sports betting.
Wala rin aniya itong permit simula nang naitatag ito noong 2022.
Mayroon itong pitong low rise building at sa ngayon ay dalawa pa lamang ang kinakandado ng PAOCC.
Nag-ugat ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ng Malolos RTC Branch 81 matapos makatanggap ng reklamo mula sa ilang Pilipino na biktima sila ng labor trafficking.
Naabutan dito ang mga Pilipinong nagtatrabaho kung saan ang ilan sa pakilala ng mga Pilipino dito ay kabilang sila sa housekeeping department.
Sa kasalukuyan ay nag-iinspeksyon pa ang mga awtoridad kasama sina PAOCC Chief Usec. Gilbert Cruz at PRO3 RD PBGen. Red Maranan.
Highly confidential itong operation dahil hinihinalang may sangkot umanong politiko.
Inaasahang magpapatuloy ang imbestigasyon at accounting ng mga kagamitan dito sa umano’y POGO hub hanggang alas-kwatro ng madaling araw.