Dalawang buwang panunungkulan bilang bagong PNP Chief, tiniyak na magiging makabuluhan ni Police Lieutenant General Camilo Pancratius Cascolan

Tiniyak ni bagong talagang Philippine National Police Chief Police Lieutenant General Camilo Pancratius Cascolan na magiging makabuluhan ang dalawang buwang niyang panunungkulan bilang hepe ng PNP.

Magsisilbi lamang kasi si Cascolan sa loob ng dalawang buwan, dahil maaabot na rin nito ang kanyang retirement age na 56 sa November 10, 2020.

Sa interview ng RMN Manila, siniguro ni Cascolan na kahit dalawang buwan lang ang kanyang panunungkulan, maigting niyang ipapatupad ang mga programa ng PNP, partilukar ang anti-drugs program, internal cleansing at development plan.


Pag-aaralan din niya kung magkakaroon ng balasahan sa hanay ng kapulisan, base na rin sa kanilang performance.

Aalamin din aniya nito ang pulso ng taongbayan sa PNP upang mapataas ang moral ng mga pulis.

Bilang dating pinuno ng Administrative Support for COVID-19 Task Force na nakamonitor sa logistic aspect ng deployment ng mga pulis, tiniyak ni Cascolan na patuloy ang kanilang police efforts sa paglaban sa pandemya.

Bagamat ipinagpapasalamat nito ang pagkakapili sa kanya bilang bagong PNP Chief, binigyan diin ni Cascolan na posibleng tanggihan niya sakaling palawigin pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panunungkulan.

Ngayong hapon, gaganapin ang change of command ceremony sa Camp Crame kay Cascolan bilang kapalit ni outgoing PNP Chief Archie Gamboa, na nakatakdang bumaba sa pwesto matapos nitong maabot ang mandatory retirement age na 56.

Facebook Comments