Pinadadaan muna pansamantala sa mga local call centers ang lahat ng tawag sa emergency hotline 911 (E911) ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos magpositibo sa COVID-19 ang dalawa nitong call center agents.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, lahat ng Emergency Telecommunicators (ETC) kabilang ang sampung Department of Health (DOH) COVID Hotline agents na nakatalaga sa emergency hotline 911 ay naka-home quarantine na bilang safety precaution.
Nagpapatupad na rin ng disinfection activities sa 911 national call center at naglagay ng kinakailangang ventilation at contact tracing sa mga close contacts.
Ginawa ng DILG ang ganitong arrangement upang magtuloy-tuloy ang pagsisilbi sa publiko sa tulong ng call centers na pinangangasiwaan ng mga Local Government Units (LGU).
Paliwanag pa ni Malaya, lahat ng tauhan ng emergency hotlines ay sumailalim na sa PCR tests at magbabalik trabaho lamang kapag nagnegatibo sa virus at makumpleto ang 14-day quarantine.
Umaasa ang DILG na manumbalik ang partial operation ng 911 sa September 7 at ganap na operasyon sa September 16.