Ikinagulat ng husto ng mga senador ang alegasyon ng katiwalian laban sa dalawang Commissioners ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa pagdinig sa budget ng CHED para sa susunod na taon, sinabi ni Senator Pia Cayetano sa pagdinig na ‘laglag sa upuan’ ang kanyang sobrang pagkagulat kaugnay sa akusasyon na may CHED Commissioner na nag-oobliga sa mga saklaw na state universities and colleges (SUCs) na buwan-buwan kung magpatawag ng board meeting.
Ang madalas na board meeting ay nangangahulugan ng maraming honoraria para sa mga members nito.
Nagtataka ang senadora dahil karaniwang quarterly lang ang meetings dahil minsan na siyang naging board of regents sa mga SUCs.
Bukod dito, ang mga pulong ay ginaganap sa mga magagarbong hotel, pinapasalo pa sa mga SUCs ang gastos, may mga mamahaling regalo ding ibinibigay at ang sobrang nakakagulat pa aniya ay nasita na ng Commission on Audit (COA) ang mga SUCs dahil dito.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ‘mind blowing’ at hindi kapani-paniwala ang impormasyon na kanilang nalaman.
Hinimok ni Villanueva ang mga SUCs na magsabi sa kanya tungkol sa nasabing alegasyon upang may magawa ang Senado dahil hindi nila kukunsintihin ang mga ganitong gawain.
Itinanggi naman ni Commissioner Jo Mark Libre ang mga akusasyon at iginiit na may ‘organized attack’ laban sa kanya.
Samantala ang isa pang inaakusahan na si CHED Commissioner Aldrin Darilag ay itinanggi ang alegasyon na pinasagot sa ahensya ang byahe ng asawa sa Canada at mayroon umano siyang ebidensya na siya ang bumili ng ticket at ang pagtungo sa Canada ng kanyang asawa ay isang personal trip.