Aprubado na ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Archie Francisco Gamboa ang pag-deploy ng dalawang company ng Special Action Force (SAF) sa Cebu para tumulong sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ito ay sa harap na rin ng patuloy na pagtaas ng bilang mga kaso ng COVID-19 sa Cebu.
Ayon Kay PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Force Covid Shield Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, ang ipadadalang 150 SAF ay para mahigpit na ipatupad ang pananatili sa bahay ng mga tao, at paggamit ng face mask sa mga mahahalagang lakad sa labas ng bahay.
Batay sa obserbasyon ng mga opisyal ng Inter-Agency Task force on Managing Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at National Task Force on COVID-19 (NTF-COVID-19) sa kanilang pag-inspeksyon sa Cebu na marami ang hindi sumusunod sa quarantine protocols.
Matatandaang una nang nagpadala na ang PNP ng karagdagang 100 pulis mula sa PRO 6 at PRO 8 sa Cebu para tumulong sa local police sa pagpapatupad ng ECQ.