Hindi na pumalag pa ang mga poultry raisers nang simulan na ngayong hapon ang maramihang pagpatay sa mga manok, manok na pansabong, mga pugo at itik sa anim na malalaking poultry sa San Luis, Pampanga.
Nasa paligid lamang ang mga pulis habang ang pumasok lamang ay ang mga quarantine staff ng Department of Agriculture na nakasuot ng protective suit nang isagawa ang carbon monoxide suffocation.
Nakaalalay din ang mga tauhan ng Municipal Health Office sa sandaling may masugatan sa gitna ng aktibidad.
Ang media ay hindi na pinalapit sa lugar dahil sa banta nito sa kalusugan.
Aminado si Mayor Venancio Macapagal na malaki ang epekto sa ekonomiya ng San Luis ang extermination ng mahigit isandaang libong manok.
Malaking kawalan sa merkado ang 300,000 na suplay ng manok na nagmumula sa kanilang bayan.
Aniya, sisikapin nila sa sa loob ng tatlong buwan ay makabangon agad ang kanilang mga negosyante ng manukan.
Kapag nakumpleto na ang gagawing pagpatay sa mga manok ay lalagay ang mga ito sa mga sako at ibabaon mismo sa compound ng mga may ari ng poultry.
Tatlong araw ang aabutin ng culling na sasakop lamang sa mga manukan na nasa loob ng 1 kilometer radius.
Ayon kay Dra. Margarita Regala,Municipal Health Officer ng San Luis, kumuha na ng swab ng manok ang provincial health office at wala naman aniyang nakita na makakahawa ito sa tao.
Nanatiling mahigpit ang pagbabantay sa mga check point papasok at palabas ng sa San Luis.
Kahit mga van ay pinabubuksan at kahit mga ipot ng manok ay hindi pinalulusot.