Asahang mas lalakas pa ang emergency response ng lungsod ng Mandaluyong kasunod ng pagkakaloob ng dalawang firetrucks at limang ambulansya sa Bureau of Fire Protection (BFP) at sa mga barangay.
Pinangunahan ni Deputy Speaker at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, former Representative Queenie Gonzales at mga city officials ng Greenfield District ang turnover ng mga firetrucks at mga ambulansya.
Ang two unit ng firetrucks ay may 54 metrong aerial ladder na kayang abutin ang isang gusali na may 18 palapag at ito ay diesel-fed, may six-cylinder capacity at turbocharge feature, Euro 4 o Euro 5 Compliant, at equipped ng Exhaust Gas Recirculation (EGR) system.
Habang ang limang units ng ambulansya naman na mula sa Department of Health (DOH) na aabot sa P2.4 million bawat isa ay kumpleto ng medical equipment at instruments.
Ang mga ambulansya ay ibinigay sa Barangay Addition Hills, Barangay Hulo, Barangay Vergara, Command and Control Center (C3), at sa National Center for Mental Health.
Umaasa si Gonzales na dahil nagawa nilang maisulong sa Kongreso ang pagkakaroon ng firetrucks at ambulansya ay magiging malaki ang papel nito sa mga constituents tuwing may disaster at emergency sa lungsod lalo na ngayong nahaharap ang buong bansa sa pandemya.