
Hindi napakikinabangan para sa health services ang dalawang itinayong health facilities kung saan contractor ang mga Discaya.
Sa budget hearing ng DOH sa Senado, sinabi ni Ameer Gamama, Supervising Auditor I ng Commission on Audit (COA) na parehong fully-paid ang dalawang health facilities na ipinagawa ng St. Gerard Construction na pag-aari ng mga Discaya.
Ayon kay Gamama, ang isang proyekto ay ang P133 million na Mindanao Central Sanitarium sa Zamboanga City na 98% na kumpleto pero naging idle lang dahil walang certificate of final acceptance bunsod ng nakabinbin ang completion ng punch list.
Ang isa namang health facility ay sa Zamboanga del Norte na nagkakahalaga ng P22.45 million ngunit hindi magamit bilang ospital kundi ginagamit itong classroom ng Mindanao State University.
Nangako naman si Health Secretary Teodoro Herbosa na sisilipin ang naturang isyu ng mga ipinatayong health facilities.









