Dalawang hospital sa Maynila, limitado muna ang serbisyo sa mga pasyente

Magpapatupad ng limitasyon sa ilang serbisyo ang dalawang district hospital ng lungsod ng Maynila dahil sa gagawing decongestion at paglilinis.

Sa abiso ng Manila Public Information Office, ang mga ospital na ito ay ang Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) sa Tondo at Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) sa Binondo.

Sa isang memorandum ng GABMC, pansamantalang lilimitahan ang admission o pagtanggap ng mga pasyente sa kanilang emergency room, kung saan ang mga pasyenteng may extreme case muna ang tatanggapin sa emergency room.


Sa hiwalay naman na memo ng JJASGH, pansamantalang sarado ang labor room o delivery room complex, operating room (OB-gyne at surgery).

Ito ay para bigyang daan ang naka-schedule na disinfection at paglilinis sa ospital kasabay na rin ng mga gagawing major repair sa pasilidad.

Umaapela naman ang dalawang nabanggit na pagamutan ng pang-unawa mula sa publiko habang nananawagan sila sa ibang district hospital sa Maynila na i-accommodate ang mga pasyente na maire-refer sa kanila.

Facebook Comments