Monday, February 2, 2026

Dalawang impeachment complaint, inihain muli kay VP Sara Duterte

Dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ang magkahiwalay na inihain ngayong araw sa tanggapan ng House Secretary General ng iba’t ibang progresibong grupo.

Ang unang reklamo ay inihain ng Makabayan Coalition at inendorso ng mga kongresistang bumubuo sa Makabayan Bloc na sina Rep. Antonio Tinio, Rep. Sarah Elago, at Rep. Renee Co.

Ang ikalawang reklamo ay inihain naman ng 17 na indibidwal na kumakatawan sa iba’t ibang progresibong grupo sa pangunguna ng Tindig Pilipinas at inendorso nina Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña at Mamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima.

Ang mga batayan ng dalawang impeachment complaint ay kapareho lang din ng reklamong inihain laban kay Duterte noong nakaraang taon pero idinagdag ngayon ang mga alegasyon ni Ramil Madriago patungkol sa pagtanggap umano ni VP Sara ng suporta noong kampanya mula sa drug dealers at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Kabilang sa mga batayan ng magkahiwalay na impeachment complaint ay culpable violations of the constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes.

Base ito sa umano’y pagkuha ni VP Sara ng papatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Kasama rin sa grounds ang maling paggamit sa confidential a intelligence funds, bribery, illegal wealth accumulation, money laundering at bigong pagdeklara ng mga ari-arian sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Nakapaloob din sa impeachment complaint ang pagpapahintulot umano ni VP sara sa extra-judicial killings at pagpaplanong idestabilisa ang gobyerno.

Facebook Comments