DALAWANG INDIBIDWAL, ARESTADO SA MAGKAHIWALAY NA OPERASYON DAHIL SA PAMEMEKE NG PUBLIKONG DOKUMENTO

Dalawang katao ang naaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Alaminos City at Dagupan City, Pangasinan, dahil sa kasong Falsification of Public Document.

Bandang alas-11:10 ng umaga, inaresto ng mga operatiba ng Alaminos City Police Station (CPS) katuwang ang Regional Intelligence Division ng PRO1 ang isang 95 anyos na babae at residente ng Bayambang, Pangasinan.

Isinagawa ang pag-aresto sa Alaminos City sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Falsification of Public Documents, na may itinakdang piyansa na ₱36,000. Matapos ang pag-aresto, ang akusado ay dinala at isinailalim sa kustodiya ng Alaminos CPS.

Samantala, bandang alas-11:55 ng umaga ng parehong araw, isa namang 65 anyos na lalaki at residente ng Dagupan City, ang naaresto sa isinagawang operasyon ng Police Station 6 bilang lead unit, katuwang ang Dagupan City Police Office – Criminal Investigation and Detection Management Unit (CPOCIDMU) at CIU B.

Inaresto ang akusado sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Falsification of Public Document sa ilalim ng Article 171 ng Revised Penal Code, na may itinakdang piyansa ring ₱36,000.

Ang nasabing akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Dagupan City Police Office para sa wastong disposisyon at kaukulang proseso.

Muling binigyang-diin ng kapulisan ang kanilang patuloy na kampanya laban sa mga wanted person at ang mahigpit na pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang kaayusan at tiwala ng publiko sa lalawigan ng Pangasinan.

Facebook Comments