Kinasuhan na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang indibidwal na nasa likod ng pagbebenta ng COVID-19 vaccine o vaccination slots.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, ang mga sinampahan ng kaso ay kinilalang sinia Cycle Cedric Soriano Bonifacio na una nang sumuko sa PNP at Melvin Polo Gutierrez.
Sila ay sinampahan ng kasong estafa, paglabag sa Anti-Red Tape Law of 2007 at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office.
Sinabi ni Eleazar na inamin mismo ni Bonifacio na tinulungan siya ni Gutierrez na isang fire at barangay volunteer na makakuha ng vaccination slot sa Mandaluyong City.
Inamin din daw nito na isang beses lang siyang namagitan sa pagkuha ng vaccination slot at nakatanggap siya ng P12,000 sa pamamagitan ng online bank transfer.
Inalok daw ni Bonifacio ang kanyang dating kaklase sa high school pero tumanggi at ini-report ang kanyang illegal activity.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at PNP Cybercrime Group para matukoy ang iba pang mga kasabwat nina Bonifacio at Gutierrez.
Paalala naman ni Eleazar sa publiko na libre ang bakuna na ibinibigay ng mga Local Government Unit (LGU), ang kailangan lang ay magparehistro at maghintay kung kailan babakunahan.