DALAWANG INSIDENTE NG NAWAWALANG TAO SA PANGASINAN: ISANG DALAGA NATAGPUAN, ISANG LALAKI PATULOY NA HINAHANAP

Dalawang magkahiwalay na insidente na may kinalaman sa mga nawawalang tao ang naitala ng kapulisan sa lalawigan ng Pangasinan noong unang linggo ng Enero 2026. Habang ligtas nang natagpuan ang isang 23-anyos na babae, patuloy naman ang paghahanap sa isang 58-anyos na lalaki na iniulat na nawawala.

Bandang lagpas alas-2:50 ng hapon noong Enero 4, 2026, nakatanggap ng tawag ang Sison Municipal Police kaugnay sa isang babaeng nakita na gumagala sa Barangay Batakil, Pozorrubio, Pangasinan. Ang nasabing babae ay tinulungan ng isang concerned citizen at dinala sa bahay ng alkalde upang humingi ng tulong.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sison MPS, kinuha ang babae sa tahanan ng alkalde, at dinala siya sa himpilan ng pulisya para sa wastong disposisyon at beripikasyon. Napag-alamang ang babae ay 23 taong gulang at residente ng Calasiao, Pangasinan. Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad upang masiguro ang kanyang ligtas na pagbabalik sa pamilya.

Samantala, naglabas naman ng flash alarm ang kapulisan sa Mapandan kaugnay sa umano’y pagkawala ni Jesus “Vivian” Bongato Natan, 58 anyos na lalaki at residente ng Barangay Aserda, Mapandan, Pangasinan. Ayon sa ulat ng kanyang kapatid, umalis umano ang nawawalang lalaki nang hindi nagpapaalam sa sinuman sa kanilang pamilya.

Huling namataan si Natan bandang alas-8:30 ng umaga noong Enero 2, 2026 sa Barangay Baritao, Manaoag, Pangasinan, malapit sa Manaoag Community Hospital. Binanggit din ng pamilya na siya ay may kondisyon sa mental health. Inilarawan siya bilang may katamtamang pangangatawan, may taas na humigit-kumulang 5’7” hanggang 5’9”, maputi ang kutis, at suot ang violet na t-shirt, itim na slacks, at may nakabalot na itim na t-shirt sa ulo nang huli siyang makita.

Hinihikayat ng Mapandan MPS ang publiko na makipagtulungan sa paghahanap sa nawawalang lalaki. Ang sinumang may impormasyon ukol sa kanyang kinaroroonan ay maaaring makipag-ugnayan sa kanyang kapatid sa mga numerong 0963-838-1730 o 0931-980-3670, o tumawag sa Mapandan MPS Hotline No. 0998-598-5117.

Patuloy ang paalala ng kapulisan sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyong makatutulong upang matiyak ang kaligtasan ng mga nawawalang indibidwal. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments